Hinihinalang molotov bomb na sumabog sa labas ng NAIA 3, patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad

Facebook
Twitter
LinkedIn

Patuloy ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay ng nangyaring pagsabog na naganap sa Ninoy Aquino International Airport Terminal (NAIA) 3 kahapon.

Ayon sa paunang impormasyong nakalap mula sa mga taong malapit sa pinangyarihan ng insidente, isang mahinang pagsabog ang narinig ng mga ito sa direksyon sa bahagi ng open parking area ng NAIA Terminal 3.

Sa joint probe ng mga miyembro ng MIAA Airport Police Department at ng PNP-Aviation Security Unit matapos ang isang mahinang pagsabog napag-alaman na ang pagsabog ay sanhi ng isang improvised flaming device na gawa sa isang bote na naglalaman ng flammable liquid at may balot na tela.

Ang device na ito ay sinasabing nabasag at tumama sa tatlong sasakyan na nakaparada malapit kung saan ito bumagsak.

Wala namang naiulat na nasaktan dahil sa insidente.

Sa ngayon, sinusuri na ng mga awtoridad ang mga CCTV recording mula sa paligid ng open parking at sinusubukan ding makakuha ng iba pang CCTV footages mula sa mga kalapit na establishment sa labas ng perimeter ng Terminal 3. Katuwang na rin ang tulong mula sa Pasay City PNP SOCO upang tumulong sa imbestigasyon.

Inatasan na rin ni MIAA-Officer in Charge Bryan Co ang Airport Police Department na palakasin ang foot at K9 patrol sa mga pampublikong lugar at dagdagan ang police visibility sa paligid ng mga Terminal area.

Nanawagan din si Co sa airport community para sa patuloy na pakikipagtulungan sa pamamagitan ng pag-uulat ng mga kahinahinalang indibidwal pati na rin ang hindi karaniwang kilos ng mga tao sa paligid ng airport complex. | ulat ni EJ Lazaro

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us