House leadership, magpapaabot ng P200-M na halaga ng ayuda sa mga mangingisdang apektado ng nangyaring oil spill sa Mindoro

Facebook
Twitter
LinkedIn

Kinakasa na ng Office of the House Speaker ang pagpapaabot ng tulong pinansyal sa may 8,000 mangingsida mula Oriental Mindoro, na naapektuhan ang kabuhayan dahil sa oil spill.

Ito ay matapos makipagpulong ni Speaker Martin Romualdez sa lider ng grupo ng mga mangingisda.

Kasama rin sa pulong ang abogado ng mga mangingisda na siya ring tumutulong sa mga residente, na makakuha ng bayad danyos mula sa may-ari ng lumubog na tanker na Princess Empress.

Sabi ni Speaker Romualdez, pagsisikapan nilang hanapan ng pondo ang TUPAD program ng DOLE kung saan nila idadaan ang tulong sa mga mangingisda.

Kabuuang P200 million na pondo ang target ni Romualdez para mabigyan ng tig-P24,000 ang mga mangingisdang apektado.

Pebrero nang lumubog ang MT Princess Empress sa bahagi ng Naujan Oriental Mindoro, na may kargang 800,000 fuel oil na siyang kumalat sa CALABARZON, MIMAROPA at Western Visayas.

Ayon sa House Speaker, paunang tulong lamang ito na tatagal ng dalawang buwan.

“Panimulang tulong lang ito na sapat sa dalawang buwan. Sa loob ng panahong ito, hahanap tayo ng paraan para makakuha naman ng pondo para sa mga alternative livelihood programs ninyo habang nililinis pa ang oil spill. Kung kukulangin pa ito, tutulong din ang iba pang kasama ko dito sa House of Representatives para magtuloy-tuloy ang ayuda sa inyo habang hindi pa kayo nakakabangon. Gagawin natin ang lahat para makabangon kayo sa trahedyang ito,” sabi ni Romualdez. | ulat ni Kathleen Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us