Hindi matatapos sa pagbibigay ng financial assistance ang tulong na ipaaabot ng pamahalaan sa mga rice retailer na apektado ng umiiral na price cap sa regular at well milled rice.
Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ni DTI Assistant Secretary Agaton Uvero, na ngayon|pa lamang, mayroon ng mga LGU ang nagpapatupad ng isang buwan na libreng renta sa mga pampublikong merkado, para sa retailers ng bigas.
Ang Department of Trade and Industry (DTI), inihahanda na rin aniya ang interest-free loans para sa mga nagtitinda ng bigas.
Kasabay nito, ang Department of Agriculture (DA) at mga lokal na pamahalaan, pinag-uusapan na rin ang logistic support na maaaring maibigay sa mga ito.
“Kasabay rin po niyan, nagku-coordinate po ang DA at saka LGU doon sa logistics support, sa pag-deliver ng mga bigas para makabawas po doon sa presyo o sa cost ng mga bigas pagkuha sa bodega hanggang sa mga retailers.” —Asec Uvero.| ulat ni Racquel Bayan