Tuloy-tuloy pa rin sa paghahatid ng tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilan pang lugar sa Soccsksargen Region na naapektuhan ng mga pagbaha nitong mga nakalipas na araw.
Ayon sa DSWD, sa pangunguna ng kanilang field office, nahatiran na ng family food packs (FFPs) at iba pang relief items ang mga pamilyang naapektuhan ng landslide incident sa Barangay Tinago, Norala, South Cotabato.
Kasalukuyang nananatili ang mga apektadong pamilya sa evacuation center sa komunidad.
Bukod dito, namahagi na rin ang mga disaster response personnel ng family food packs (FFP) sa 441 flood-affected families sa Barangay Caridad, Lambayong, Sultan Kudarat, at 413 pamilya sa Pigcawayan, Cotabato Province.
Una nang inatasan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang Disaster Response Management Group (DRMG) na agad magpadala ng relief goods sa mga naapektuhan ng malawakang pagbaha sa ilang lalawigan sa Mindanao. | ulat ni Merry Ann Bastasa