Aprubado na sa committee level ng Commission on Appointments (CA) ang ad interim appointment ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro.
Kabilang sa mga natanong kay Teodoro ang isyu tungkol sa ipinapanukalang amyenda sa pension system ng mga military and uniformed personnel (MUP).
Ayon kay Teodoro, ipinauubaya na niya sa Kongreso ang desisyon patungkol sa panukalang ireporma ang MUP.
Gayunpaman, binigyang-diin ng kalihim na kailangang balansehin ang kapakanan at morale ng mga sundalo.
Iminumungkahi ni Teodoro na bumuo ang AFP ng sarili nilang trust fund para sa retirement fund ng mga sundalo.
Para mapondohan ito ay hinihiling ng kalihim na maamyendahan ang batas para ma-realign sa retirement fund ang share ng AFP sa BCDA, dahil sa ngayon ay nakalaan ito para sa modernization program.
Nagsisikap na rin aniya ngayon ang AFP at DENR, na malinis ang lahat ng titulo ng mga lupain ng AFP at DND para maging seed capital ng bubuuing retirement trust fund.
Hinihiling rin ni Teodoro, na isama sa binubuong batas ng kongreso na ma-dissolve o buwagin ang Retirement and Separation Benefits System (RSBS) assets, at ilipat ito sa bubuuing retirement fund.
Dapat aniyang alagaan ang mga sundalo at bigyan sila ng nararapat na benepisyo, para hindi maakit na lumipat at magtrabaho sa pribadong sektor. | ulat ni Nimfa Asuncion