Kaniya-kaniyang pakulo ngayon ang iba’t ibang gasolinahan sa Shaw Boulevard sa Pasig City sa harap ng walang patumanggang pagsirit sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon sa mga tauhan ng mga gasolinahang naikutan ng Radyo Pilipinas, bukod sa hakbang na sila’y tangkilikin pa rin, ay tulong na rin ito sa mga motorista upang maibsan ang kanilang kalbaryo.
Ilan sa mga ito ay nagbibigay ng ₱2 kada litrong diskuwento para sa mga Transport Network Vehicle Service (TNVS).
May ilan din ang nagpapatupad ng point system para sa mga card holder kung saan, bawat pagpapakarga ay may kaakibat na puntos na siyang magagamit naman bilang kabawasan sa susunod kapag naka-ipon.
Sa ilalim kasi ng point system, ang isang puntos ay katumbas ng piso sa bawat pagpapakarga.
Inaantabayanan ngayong araw ang pagsasara ng trading upang mabatid kung may magiging paggalaw sa presyo ng langis na sa kasalukuyan ay nasa 10 sunod na linggo nang nagtataas. | ulat ni Jaymark Dagala