Nakaabang na ang ilang mga jeepney operator at driver sa Pantranco, Quezon City sa pagpasok ng kanilang ₱6,500 na fuel subsidy mula sa pamahalaan.
Isa si Mang Entong, na pumapasada pa-Cubao, sa maya’t maya kung sumilip sa kanyang bank account para lang makumpirma kung mayroon nang ayuda.
Kailangang-kailangan daw kasi niya ang fuel subsidy para maipandagdag sa kanyang pangkarga ng krudo.
Umaasa rin maging ang mga tsuper na sina Gerardo at Arnold na agad matanggap ang fuel subsidy.
Una nang sinabi ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairperson Assistant Secretary Teofilo Guadiz III na naibaba na sa Landbank ang pondo ng fuel subsidy program at nakadepende na sa bangko kung kailan maipapamahagi ang lahat ng pondo.
Target na maabutan ng ayuda ang mga operator ng 280,000 PUV units ng pampublikong transportasyon sa bansa.
Bukod naman sa fuel subsidy, ikinukonsidera na rin ng LTFRB ang hirit na taas-pasahe sa jeep.
Katunayan, posible nga aniyang maaprubahan ang ‘provisional’ fare hike bago matapos ang taong ito, bagay na pinaboran ng mga jeepney driver.
Ayon kay Mang Gerardo, makatutulong sa kanila ang taas-pasahe para hindi na napupunta sa pang-diesel ang kanilang kita sa pamamasada. | ulat ni Merry Ann Bastasa