Inaasahan ang pagbisita sa bansa ng ilang matataas na opisyal mula sa Israel Government bago matapos ang taong ito.
Sa Pandesal Forum kung saan ipinagdiwang ang Jewish holiday na Rosh Hashanah, ibinahagi ni Israel Ambassador to the Philippines Ilan Fluss ang ilang inihahandang plano para sa pagpapalawak ng ugnayan ng Pilipinas at Israel.
Ayon kay Ambassador Fluss, may apat na delegasyon ang nakaiskedyul na magtungo sa Pilipinas na tututok sa sektor ng ekonomiya, agrikultura, tubig at emergency response.
Kasama sa pinaplantsa ang kauna-unahang Israel-PH economic meeting na layong paigtingin ang trade relations ng dalawang bansa.
Ayon kay Amb. Fluss, interesado rin sa maraming sektor sa bansa ang Israeli investors kabilang ang turismo.
Bukod dito, sinasapinal na rin ang posibleng pagbisita ng ilang opisyal ng Israel Defense Ministry sa bansa para sa pagpapalawak rin ng kolaborasyon sa sandatahang lakas.
Umaasa naman ang Ambassador na makakabisita rin si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Israel gaya ng naging matagumpay na pagbisita rin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2018. | ulat ni Merry Ann Bastasa