Pinabulaanan ni Senior Deputy Majority leader at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos na siya ang itatalagang presidente at chief executive officer ng Maharlika Investment Corporation (MIC).
Ang MIC ang mamamahala sa Maharlika Investment Fund na siyang unang sovereign wealth fund ng bansa.
Ang pagtanggi ni Marcos ay tugon sa isang social media post, kung saan sinasabi na ‘absurd’ ang planong pagtatalaga sa kanya sa MIC dahil hindi naman siya kwalipikado.
Sinabi ni Marcos, na maliban sa hindi totoo ay aminado siyang wala siyang kwalipikasyon at wala rin naman talaga siyang interes sa naturang posisyon.
“This is absurd and severely false…you are completely right, I am nowhere near qualified, nor do I want said position,” saad sa tugon ng Ilocos Norte solon.
Kasalukuyan ay bukas ang aplikasyon sa mga opisyal na bubuo ng MIC board, na kinabibilangan ng president at CEO, dalawang directors, at tatlong independent director, na magtatapos sa September 27. | ulat ni Kathleen Forbes