Iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang pagbilis sa headline inflation o galaw ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa para sa buwan ng Agosto.
Sa ulat ni PSA Chief at National Statistician Claire Dennis Mapa, bumilis sa 5.3% ang inflation nitong Agosto, mula sa 4.7% noong Hulyo.
Dahil dito, ang average inflation mula Enero hanggang Agosto ay nasa antas na 6.6%.
Paliwanag ng PSA, nangungunang dahilan ng pagbilis ng antas ng inflation ay ang mas mabilis na pagtaas ng presyo ng food and non-alcoholic beverages.
Partikular dito ang bigas, gulay gaya ng kamatis at isda tulad ng tilapia.
Nakaambag din sa inflation ang transport dahil sa pagtaas ng presyo ng gasolina at diesel.
Samantala, bumilis rin sa 5.9% ang headline inflation sa NCR, mula sa 5.6% noong buwan ng Hulyo. | ulat ni Merry Ann Bastasa