Kinuwestyon ng ilang mambababatas ang Korte Suprema sa naging aksyon nito kaugnay sa ipinatupad na contempt at detention laban kay Cagayan Gov. Manuel Mamba.
Sa deliberasyon ng House Appropriation Committee sa 2024 proposed budget ng judiciary department, tinalakay ni Sagip Partylist Rep. Rodante Marcoleta ang inilabas na Tempoarary Restraining Order ng Supreme Court para ipahinto ang atas ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Paliwanag ni Court Administrator Raul Villanueva, ang pag-iisyu nila ng TRO ay hindi ang disposisyon ng kaso at ang aksyon ng mataas na hukuman ay alinsunod lamang sa ‘internal rules’.
Maaalalang nitong August 24, kusang sumuko si Mamba sa Kamara matapos mag-isyu ng ‘contempt’ dahil bigo itong magpaliwanag kung bakit hindi humarap ang empleyado nito kaugnay sa umano’y iregularidad sa halalan sa Cagayan noong 2022.
Gayunpaman, gumugol lamang si Mamba ng ilang oras sa ilalim ng kustodiya ng Kamara dahil nakakuha ito ng TRO mula SC sa loob lamang ng isang araw.
Diin naman ni Bukidnon 2nd District Representative Jonathan Flores, may karapatan ang Kongreso na magsagawa ng imbestigasyon “ in aid of legislation”.
Tinanong din nito si Villanueva kung bakit agad na nag-isyu ang mataas na hukuman ng TRO nang hindi hinihingi ang paliwang ng Kamara.
Tiniyak naman ni CA Villanueva na itinataguyod ng SC ang kapangyarihan ng Kongreso na magsagawa ng “inquiry in aid of legislation”. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes