Ipinapagawang ‘seawall’ ng DPWH sa Lingayen hanggang Binmaley sa Pangasinan, tinututulan ng mga mangingisda

Facebook
Twitter
LinkedIn

Nagpaabot ng kanilang pagtutol ang grupo ng mga mangingisda sa mga bayan ng Lingayen at Binmaley sa Pangasinan kaugnay sa Tourism Road Infrastructure Program ng Department of Public Works and Highways.

Sa sulat ng mga mangingisda na pirmado ng Lingayen Baywalk Fisherfolks, Lingayen Poblacion Fisherfolks, Manibic Fisherfolks, Pangasinan North Fisherfolks at San Isidro Norte Fisherfolks Association, tutol sila sa ginagawang 0.920 kilometers na Concrete protection Seawall and PVC Pipe.

Ang naturang proyekto ay pinaglaanan ng DPWH na nagkakahalaga ng P150 milyon para sana protektahan ang mga residente na malapit sa dagat tuwing may kalamidad.

Sa public hearing na ginawa ng Sangguniang Panlalawigan ng Pangasinan sa pangunguna ni Vice Gov. Mark Ronald DG Lambino, kanilang pinakinggan ang reklamo ng mga mangingisda at panig ng DPWH.

Sabi ng mga mangingisda, mahihirapan sila na idaong ang kanilang mga bangka kapag itinuloy ang naturang seawall. Bukod dito, haharangin din daw nito ang dagat at hindi nila makikita ang kanilang mga bangka para mabantayan.

Sa tagal na daw nilang nakatira sa tabing-dagat ng lalawigan, hindi daw nila naranasan na naging banta ang malalaking alon sa kanilang mga kabahayan. Maging ang lokal na pamahalaan ay hindi rin daw nakonsulta nang maglaan ang DPWH ng nasabing pondo.

Pero ang mga Kapitan ng barangay na nasa tabing dagat tulad ng Maniboc, Poblacion Lingayen at Pangasinan North ay pabor sa nasabing seawall.

Sabi ni Pangasinan Gov. Ramon Guico III, mahalagang kunin muna ng DPWH ang panig ng mga maapektuhan at ilatag ang master plan ng nasabing proyekto.

Sa panig ng ahensya, sinabi ni Engr. Harry Tayag ng DPWH District Engineering Office 2 ng Pangasinan, dumaan sa masusing pag-aaral ang nasabing proyekto.

Kinailangan daw nila itong gawin dahil nagbabago na ang klima at para protektahan ang dalampasigan ng Pangasinan. | ulat ni Michael Rogas

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us