Isang 64-taong gulang na lalaki ang nasugatan, habang aabot rin sa 113 residente ang naapektuhan ng pagguho ng isang pader sa S. Feliciano St., Mapulang Lupa, Valenzuela.
Sa ulat ng Valenzuela LGU, walong bahay rin ang nawasak kasunod ng insidente.
Batay sa inisyal na assessment ng City Office of the Building Official, lumambot ang lupang kinatitirikan ng mga naturang bahay dahil sa sunod-sunod na pag-ulan kaya nagkaroon ng structural collapse.
Sa ngayon, karamihan ng mga apektado ay pansamantalang nananatili sa Mapulang Lupa 3S Center habang ang 11 pamilya ay nasa Old Barangay Hall, Ugong.
Agad namang tumugon sa mga apektado ang mga tauhan ng City Social Welfare and Development Office, City Disaster Risk Reduction and Management Office pati ang City Engineering Office.
Maging si Valenzuela Mayor Wes Gatchalian, binisita na rin ang mga apektadong pamilya at kinamusta ang kanilang lagay.
Nagpadala na rin ng tulong gaya ng hygiene kits, sleeping kits, kitchen kits, grocery, at food packs ang DSWD para sa mga apektadong pamilya. | ulat ni Merry Ann Bastasa