Tiniyak ng Japan International Cooperation Agency (JICA) na patuloy nitong susuportahan ang mga proyekto at inisyatiba sa railway sector ng bansa.
Ito ay matapos ang ginawang pagbisita ng mga opisyal ng JICA at Philippine Railway Institute (PRI) sa tanggapan ng Light Rail Transit Authority (LRTA).
Layon nitong palakasin pa ang ugnayan ng tatlong institusyon.
Sa isinagawang pag-uusap, nagpasalamat ang LRTA sa JICA at PRI sa patuloy na pagbibigay ng technical assistance at training programs na nakatulong sa mga rail personnel.
Kabilang din sa natalakay sa pulong ang mga proyekto at training initiatives ng JICA at PRI, para mas mapabuti ang serbisyo ng LRT-2.
Ayon sa LRTA, ang naturang pagbisita ng mga opisyal ng JICA at PRI ay hindi lamang magpapatatag ng ugnayan ng tatlong institusyon, ngunit makatutulong din para mas mapaganda ang rail transport system sa Pilipinas. | ulat ni Diane Lear