Kahalagahan ng amyenda sa Saligang Batas, muling binigyang-diin ni Speaker Romualdez

Facebook
Twitter
LinkedIn

Muling iginiit ni House Speaker Martin Romualdez na panahon nang amyendahan ang economic provisions ng 1987 Constitution.

Ito aniya ay upang makahikayat pa ng mamumuhunan, makagawa ng dagdag na trabaho at pagkakakitaan, at magkaroon ng kaunlaran sa bansa.

Sa kaniyang mensahe sa ginanap na Philippine Constitution Association (Philconsa) Day at Senate Night, sinabi nito na ang amyenda sa restrictive economic provisions ng Saligang Batas ay magdadala ng pagbabago sa hinaharap ng ating ekonomiya.

Kabilang sa mga probisyon aniya na dapat nang baguhin ay ang Article XII, Section 10, o ang  60-40 ownership pabor sa mga Pilipino pagdating sa pagpapaunlad ng natural resources; Article XVI, Section 11, limitasyon sa pagmamay-ari ng mass media na ekslusibo para sa mga Filipino citizens lamang; at Article XII, Section 11, o yung limitasyon sa foreign ownership ng mga lupain.

“Amending these provisions isn’t just a matter of law—it’s about transforming the opportunities available to every Filipino.  It’s about catalyzing a new era of prosperity, characterized by more robust economic growth, technological advancement, job creation, and ultimately, a better quality of life for each and every citizen,” ani Romualdez.

Tinukoy pa nito na ayon sa World Bank, ang paglago ng ating FDI net inflow ay nasa 3.9% lamang noong 2010 hanggang 2019, kumpara sa Vietnam na nasa 7.6% at Indonesia na may 9.4%.

Batay naman aniya sa World Economic Forum’s Global Competitiveness Report noong 2019 nasa pang 64 lamang ang Pilipinas mula sa 141 na mga bansa.

“These aren’t just numbers; they are indicators of lost opportunities,” anang House Speaker.

Sinimulan na aniya ng Kamara de Representantes ang hakbang para sa amyenda sa pamamagitan ng pagpapasa ng Resolution of Both Houses 6 (RBH 6) at House Bill 7352 noong Marso para sa pagdaraos ng constitutional convention.

Samantala, nagpasalamat naman si Romualdez sa mga Pilipino sa patuloy na pagsuporta at pagtitiwala matapos makakuha ng mataas na trust at approval rating sa pinakahuling OCTA Research survey.

Batay sa ‘Tugon ng Masa” poll ng OCTA na isinagawa mula Hulyo 22 hanggang 26, nakakuha si Romualdez ng 55 percent na approval at 54 percent na trust rating.

Ang naturang numero ay nagpapakita aniya ng tiwala at kumpiyansa ng mga Pilipino sa liderato ng Kamara at sa legislative agenda na itinutulak ng 19th Congress bilang suporta sa Marcos Jr. administration.  | ulat ni Kathleen Jean Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us