Kamara, nakikipag-ugnayan na sa DSWD para sa pamamahagi ng ayuda sa mga rice retailer

Facebook
Twitter
LinkedIn

Kinumpirma ni Appropriations Committee Chair Elizaldy Co na nakipag-ugnayan na ang Kamara kay DSWD Sec. Rex Gatchalian para sa pagbibigay ng subsidiya sa rice retailers.

Aniya, nakausap na rin niya ang Department of Budget and Management para sa P2 billion na ayudang nilalatag ng Kamara na posibleng kunin sa ‘unprogrammed funds’.

“Well, yung sa rice subsidy, the House is considerate, we know the retailers [are]- kung ano ang nararamdaman nila so the Speaker gave instructions to the Committee on Appropriations, yours truly, na maghanap ng pondo na P2 billion kaya we coordinated with the DBM (Department of Budget and Management) and okay naman… We are looking at the unprogrammed and hopefully na-check naman na there’s an available funds” ani Co.

Habang hinihintay na mailabas ang naturang pondo maaari namang gamitin ang kasalukuyang budget ng DSWD para sa pagbibigay tulong.

“Kailangan na mabigyan natin yung ating mga retailers ng at least subsidy para naman hindi sila matamaan nitong sobrang pagtaas ng presyo ng bigas. We need to have a price control dahil naman sa mga nagsasamantala na mga traders. So yun lang, we want to be considerate and make sure na walang malulugi, walang tatamaan…” dagdag ng House Appropriations Chair.

Batay sa plano ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., uunahin muna ang pamamahagi ng tulong sa mga apektadong retailers sa NCR at saka isusunod ang ibang maliliit at indigent retailers sa ibang rehiyon.

Hinihintay na lamang aniya nila ang listahan ng apektadong retailer mula sa DTI katuwang ang Deparment of Agriculture para dito.

“Ang priority muna ng ating Pangulo ay ang NCR dahil yun ang most affected then eventually kapag na-trace — actually pinapahanap na natin — yung instruction din ng ating Pangulo at ni Sec. Rex sa DTI, yung mga retailers, yung mga indigent lang … Yung mga talagang small retailers, nasa sari-sari store mga barangay, or nasa palengke na talagang hindi naman siya yung bigtime.” saad pa ni Co. | ulat ni Kathleen Jean Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us