Bago mag-break ang Kongreso sa susunod na linggo ay tiyak na mapagtitibay ng House of Representatives ang P5.768 trillion 2024 National Budget.
Ito ang tinuran ni Speaker Martin Romualdez, matapos sertipikahan bilang urgent ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang House Bill 8980 o 2024 General Appropriations Bill (GAB).
Sa pamamagitan ng urgent certification, maaaring gawin ang second at third and final reading approval sa isang araw.
Aniya, ang hakbang na ito ni Pangulong Marcos Jr. ay pagkilala sa kahalagahan ng on-time na pag-apruba sa budget bill, para masigurong maipagpapatuloy ang mga programa at serbisyo ng pamahalaan.
Paraan din aniya ito ng pagtupad ng Pangulo sa kaniyang pangako, na maagap at epektibong mapaglingkuran ang mga Pilipino.
“We appreciate President Marcos’ leadership and his prioritization of the national budget. His decision to certify this crucial legislation as urgent reflects his unwavering commitment to the welfare and progress of our nation,” sabi ng House leader.
Pinasalamatan at kinilala din ni Speaker Romualdez ang walang kapagurang dedikasyon ng mga kasamahan sa Kamara sa pagtalakay at pagbusisi sa budget bill.
Ngayon ang ikatlong araw ng deliberasyon ng panukalang pondo sa plenaryo.
Kabilang sa mga ahensya na naka schedule ngayon ang Judiciary, Department of Justice, State Universities and Colleges, executive offices kasama ang Commission on Higher Education, Deptartment of Agrarian Reform, Presidential Communications Office at Department of Human Settlements and Urban Development. | ulat ni Kathleen Forbes