Pinagtibay ng Kamara ang isang resolusyon na naghahayag ng pakikiramay sa mga naulila ng namayapang veteran broadcaster at GMA-7 network executive na si Miguel “Mike” Enriquez.
Sa ilalim ng House Resolution 1254 ay binigyang pugay si Enriquez kasabay ng pakikidalamhati sa misis nitong si Lizabeth “Baby” Yumping.
“The industry and GMA-7 have just lost a broadcasting giant. The death of Mike Enriquez has left a void in the industry and in his beloved network his colleagues would struggle to fill. His absence will be felt for a long time,” ani Speaker Romualdez.
Kinilala sa resolusyon ang mga nagawa ni Enriquez upang maipagtanggol ang kapakanan ng mga kapus-palad sa pamamagitan ng paglaban sa mga tiwali at abusadong opisyal at empleyado ng gobyerno.
“Enriquez’s famous catch phrases ‘Excuse Me Po!,’ ‘Pasensiya Na Po,’ and ‘Hindi Namin Kayo Tatantanan!’ reflected his unbiased and unflinching approach to news reporting and upheld the journalistic principles of integrity, accuracy, objectivity, and openness,” sabi sa resolusyon.
Sinimulan ni Enriquez ang kanyang matingkad na karera sa broadcast industry noong 1969 nang pumasok ito sa Manila Broadcasting Company (MBC) bilang isang staff announcer, bago naging reporter, news editor, program director, at station manager.
Taong 1995 nang lumipat siya sa GMA-7 at nagsilbi bilang news anchor para sa “Saksi: GMA Headline Balita” bago naging host ng flagship news program na “24 Oras” at GMA Public Affairs Program na “Imbestigador.”
August 29, 2023 nang pumanaw ang broadcaster sa edad na 71. | ulat ni Kathleen Jean Forbes