Pormal nang inilunsad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang malawakang kampanya nito laban sa karahasan o gender-based sexual harassment sa mga pampublikong lugar at sasakyan.
Isang Memorandum Circular No. 2023-016 ang inilabas na ni LTFRB Chairperson Atty. Teofilo Guadiz III na siyang tumutugon ukol dito alinsunod sa Republic Act No. 11313 o ang Safe Spaces Act.
Sinabi ni Chairperson Guadiz, hindi lamang sa piling lugar nararapat isulong ang kampanya laban sa karahasan kundi maging sa lahat ng uri ng pampublikong sasakyan.
Sa ilalim ng Memorandum Circular o ang “Implementation of Safe Spaces Act involving Public Land Transportation Services”, mariing kinokondena at ipinagbabawal ng ahensya ang anumang uri ng gender-based sexual harassment.
Kabilang dito ang pagmumura, catcalling, wolf-whistling, at iba pang misogynistic, transphobic, homophobic, o sexist na pahayag.
Ipinapaalala ng LTFRB na ang sinumang lumabag sa batas hinggil dito ay maaaring patawan ng multa o kaukulang parusa. | ulat ni Rey Ferrer