Kaso ng acute gastroenteritis sa Iloilo City muling tumaas

Facebook
Twitter
LinkedIn

Nagbigay ng babala ang City Health Office (CHO) sa mga residente sa lungsod ng Iloilo na siguraduhing malinis ang kanilang pinagkukunan ng tubig matapos muling nakapagtala ng pagtaas ng kaso ng acute gastroenteritis (AGE) ang lungsod.

Mula September 10, umabot na sa 508 ang kaso ng AGE sa lungsod. Bagama’t walang nagpositibo sa Cholera, may 21 na nagpositibo sa Rotavirus na isang viral infection.

Samantala, nakapagtala rin ang lungsod ng apat na namatay dahil sa AGE. Pawang mga sanggol ang naitalang mortality na kinabibilangan ng isang buwang sanggol mula sa Don Esteban, Lapuz; 10 buwang gulang na sanggol mula Tanza Baybay, City Proper; apat na buwang gulang na sanggol mula sa Calaparan, Arevalo; at tatlong buwang gulang na sanggol mula Quintin Salas, Jaro.

Ayon kay Dr. Jan Reygine Ansino, medical officer ng Iloilo City Epidemiological Surveillance Unit (CESU), ang maruming balon na pinagkukunan ng tubig ng mga residenteng naapektuhan ng pagbaha sa lungsod noong nakaraang mga linggo ang sanhi ng muling pagtaas ng kaso ng AGE sa lungsod.

Pinalalahanan naman ng CHO ang mga residente na pakuluan ang kanilang mga ginagamit na tubig at panatilihing malinis ang paghahanda ng kanilang mga pagkain upang maiwasan ang AGE.

Kung matatandaan, isinalalim sa state of calamity ang lungsod dahil sa AGE noong nakaraang taon. | ulat ni Emme Santiagudo | RP1 Iloilo

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us