Magsasagawa ng close monitoring ang Commission on Election sa kasong money laundering na kinakaharap ngayon sa Amerika ni dating Chairperson Andres Bautista.
Ayon kay Comelec Chairperson George Erwin Garcia, eye opener ang naturang kaso at mahalaga ito sa kanila para matiyak ang transparency lalo na sa procurement sa 2025 election.
Pero masyado pang maaga para husgahan agad si Bautista at ang kumpanya na idinadawit sa naturang isyu.
Base sa inisyal na report ng US State Department, suhol ng isang kumpanya ang perang umaabot sa $17.57 million na tinanggap ni Bautista mula sa kontrata na pinasok nito noong 2016 presidential election.
Tiniyak ni Garcia na kanilang imo-monitor ang itinatakbo ng kaso lalo na ang bigat o merito ng mga ebidensya na ihaharap sa korte.
Patungkol naman sa pagbili ng Comelec ng bagong makina para sa 2025 election, sinabi ni Garcia na magiging transparent, inclusive at parehas ang Comelec.
Ang lahat aniya ay mabibigyan ng patas na oportunidad sa Comelec bidding at walang itatagong impormasyon sa publiko lalo ang kapakanan o interes ng mamamayan ang kanilang isinasaalang-alang.
Wala rin daw magiging sagabal sa pagsali ng Smartmatic sa bidding ng komisyon. | ulat ni Michael Rogas