Kawalan ng pondo para sa rabies vaccine, nasilip ng Iloilo solon

Facebook
Twitter
LinkedIn

Napuna ni Deputy Majority Leader at Iloilo First District Representative Janette Garin ang kawalan ng alokasyon ng pondo ng Department of Agriculture (DA) para sa rabies vaccine sa susunod na taon.

Aniya, nakakapagtaka na nagkaroon ulit aniya ng pagtaas sa insidente ng rabies na sana ay isang preventable disease.

“… This preventable disease has actually slowed down the past years, pero ngayon tumaas siya and supposedly the Department of Agriculture would have been spending rabies vaccine for our dogs, lalo na ‘yung mga stray dogs.  Parang nawalan na yata ng pondo,” sinabi ni Garin sa Budget deliberations ng DA.

Paliwanag ni DA Undersecretary Agnes Catherine Miranda, sa mga nakalipas na taon ay may pondo ang ahensya para sa nasabing mga bakuna, ngunit ngayon ay inilipat na ito sa mandato ng local government units.

Ngunit diin ni Garin, ibalik na dapat ng DA ang alokasyon at pangunguna sa pagbabakuna ng mga asong gala kontra rabies lalo at ₱10 lang naman ang halaga nito kada isa.

Paalala pa ng dating kalihim ng Department of Health (DOH) na ang kagat ng isang asong gala na hindi bakunado laban sa rabies ay maaaring magdulot ng kamatayan sa tao.

“Mahal ang human anti-rabies vaccine. Nakakamatay ito at walang gamot. Minsan hindi naman naibibigay na libre ang full dose ng rabies vaccine.  Kaakibat ng solusyon sa ‘zero rabies death’ ay ang pambabakuna sa mga aso,” iginiit ni Garin.

Ayon sa World Health Organization (WHO), nasa 59,000 na tao ang namamatay taon-taon dahil sa rabies, 95 porsiyento ng mga kaso ay nangyayari sa Africa at Asia.   | ulat ni Kathleen Jean Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us