Pinuna ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang kapalpakan ng Telecom Companies sa pagpaparehistro ng SIM card bilang dahilan ng patuloy na paglaganap ng scamming.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, ibinunyag ni PAOCC Undersecretary Gilbert Cruz ang kakulangan ng security features ng mga telco sa SIM card registration matapos na madiskubre ang mga SIM card na ginamit sa panloloko.
Sa isinagawang live demonstration, nakapagparehistro ng SIM card ang cartoon character na si Bart Simson, na tinanggap ng telco ang picture at impormasyon.
Maliban dito, nakapag fill up din ng personal na impormasyon sa website ng telcos kahit puro letra lang ang gamitin.
Dahil dito, ipinanukala ni Cruz ang person-to-person evaluation sa mga cellphone user na magpaparehistro ng SIM, at pinayuhan ang mga telco na mahigpit na ipatupad ang KYC o “Know your client.” | ulat ni Leo Sarne