Para kay Senadora Pia Cayetano, kailangang patuloy na suportahan ang pagbibigay ng financial assistance sa mga estudyante sa pag-aaral sa kolehiyo.
Ito ang posisyon ng senadora sa gitna ng mga pag-uusap tungkol sa pagrebyu ng ‘free higher education law’.
Ayon kay Cayetano, nakikita naman niya ang merito ng posisyon nina Finance Secretary Benajmin Diokno at CHED Chairperson Prospero De Vera tungkol sa usapin.
Tama aniyang dapat gamitin ng maayos ang limitadong pondo ng gobyerno at suportahan ang mga karapat-dapat na mga estudyante na may academic potential ngunit walang kakayahang pinansyal.
Suhestiyon ni Cayetano, dapat tukuyin ng gobyerno ang mga priority courses na makapagdudulot ng economic at social growth.
Gaya aniya ng mga kursong tutugon sa kakulangan ng healthcare professionals sa bansa at education courses na makakagawa ng dekalidad na mga guro sa Pilipinas.
Pero maliban sa scholarships at financial assistance ay Iginiit rin ng mambabatas na dapat ring maglaan ng pondo para sa pagpapalawak at pagpapabuti ng mga pasilidad ng mga SUC at sa pagtitiyak ng development ng faculty members.
Ito aniya ang pinaka cost-efficient, makatwiran at sustainable na modelo para sa state tertiary education program ng bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion