Nanawagan si Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Representative Janette Garin sa gobyerno, na silipin ang mataas na bilang ng child exploitation na nagaganap online para kumita ng pera.
Kasunod ito ng inilabas na report ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), kung saan pumapangalawa ang Pilipinas sa mundo sa isyu ng online sexual abuse and exploitation of children (OSAEC).
“This is alarming. Edukasyon ang dapat ibinibigay sa mga bata at hindi dapat ganito ang nararanasan nila. We need to look into why the Philippines seem to be an easy target. This is a calling for a whole of nation approach. Awareness is very important to prevent the prevalence of child exploitation and illegal acts,” sinabi ni Garin.
Kasabay nito, sinabi ni Garin na mahalagang palakasin at suportahan ang Department of Justice (DOJ) upang matukoy at mahuli ang mga nasa likod ng iligal na gawain.
Tinukoy din nito ang unang pahayag ng Department of Information and Communications Technology na limitado ang kanilang kapasidad para tugunan ang isyu.
Nagpasalamat naman ang lady solon kay House Speaker Martin Romualdez sa pangako nito, na titiyaking mapopondohan ang National Coordinating Center against OSAEM at Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM). | ulat ni Kathleen Forbes