Inanunsyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na may kabuuan nang 128,912 unit ng Public Utility Vehicles (PUV) sa buong bansa ang napabilang sa listahan ng qualified beneficiaries sa fuel subsidy.
Sa ulat ng LTFRB, ang nasabing listahan ay kanila nang naisumite sa Land Bank of the Philippines (LBP).
Batay sa pinakahuling datos ng ahensya kahapon, ang nasabing bilang ay katumbas ng tinatayang Php 840,612,500 na halaga ng na-disburse o naipamahagi ng LTFRB sa LBP upang ipamigay sa mga benepisyaryo ng programa.
Sa nasabing datos, 92,755 na mga benepisyaryo na ang nakatanggap ng fuel subsidy na mayroong katumbas na Php 483,748,500 na halaga ng subsidiyang naipamigay.
Pagtiyak pa ng LTFRB na patuloy ang pakikipag-ugnayan nito sa LBP para sa tuloy-tuloy at mabilis na pamamahagi ng subsidiya sa mga benepisyaryo ng Fuel Subsidy Program (FSP).| ulat ni Rey Ferrer