Hinikayat ni Senate Committee on Public Services Chairperson Senadora Grace Poe ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno at telecommunications companies na gawing requirement sa pagpaparehistro ng SIM (subscriber identity module) ang live selfies.
Ang mungkahing ito ng senadora bilang laban sa fraud at scamming.
Ayon kay Poe, dapat maging bahagi ng implementing rules and regulations (IRR) ng SIM Registration Act (RA 11934) ang selfie bilang dagdag na line of defense sa proseso ng SIM verification.
Sa naging pagdinig kasi ng komite ni Poe nitong Martes tungkol sa text scams, ibinahagi ng National Bureau of Investigation (NBI) Cybercrime Division na maaaring makapagparehistro ng SIM gamit ang pekeng ID at sinubukan nila mismo ito sa pamamagitan ng ID na may litrato ng unggoy.
Umaasa ang senadora na maglalabas ang National Telecommunications Commission (NTC) ng mas matibay na IRR ng SIM registration law para epektibong matugunan ang mga scam.
Sa kabila nito, muling pinaalala ng mambabatas na dapat pa ring matiyak ang privacy ng mga subscriber sa IRR ng batas at gawing madali para sa mga subscriber ang pagsunod sa isinusulong niyang selfie requirement, lalo na para sa mga nasa liblib na lugar ng bansa at walang internet connection. | ulat ni Nimfa Asuncion