LTFRB, pinoproseso na ang atrasadong bayad sa mga tsuper na bahagi ng service contracting program

Facebook
Twitter
LinkedIn

Nasa proseso ngayon ng consolidation ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para matukoy ang tunay na halaga ng pagkakautang sa mga tsuper na bahagi ng service contracting program ng pamahalaan.

Ayon kay LTFRB Chair Teofilo Guadiz, magkaiba kasi ang datos na kanilang hawak at isinumite ng transport groups patungkol sa mga tsuper na nakibahagi sa service contracting o libreng sakay ng pamahalaan.

Bunsod nito hindi pa nila makumpirma kung magkano na ba ang halaga ng kanilang pagkakautang.

Ngunit batay sa datos na hawak ni DUMPER Party-list Representative Claudine Bautista Lim, mula 2020 hanggang 2021, ay nasa ₱322-million aniya ang unpaid services para sa service contracting.

Bunsod nito, nais malaman ng kinatawan kung paano ito babayaran ng gobyerno lalo at sa panukalang 2024 budget ay hindi na ito pinondohan.

Paglilinaw ni Guadiz, mayroon pang ₱1.285-billion na maaaring gamitin pambayad.

Nangako naman ang opisyal na tatapusin ang paglilinis sa kanilang datos sa loob ng isang linggo para mai-request na sa Department of Budget and Management (DBM) ang paglalabas ng pondo pambayad sa pagkakautang.

Tiniyak din ni Guadiz na sa loob ng isa o dalawang buwan ay mababayaran nila ang kalahati ng naturang claims. | ulat ni Kathleen Jean Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us