Nagpaalala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga operator, tsuper, at konduktor ng mga pampublikong sasakyan na hindi nila maaaring tanggihan ang mga nakatuping polymer banknote pati na ang mga sentimo o centavo coin na ibinabayad ng mga komyuter bilang pamasahe.
Ito ay matapos ang reklamo na natanggap ng ahensya hinggil sa pagtanggi ng ilang mga tsuper at konduktor sa nakatuping P1,000 polymer banknote at centavo coins.
Sa isang pahayag, sinabi ng LTFRB batay sa Board Resolution No. 062, series of 2023 inaatasan ang lahat ng mga operator, tsuper, at konduktor ng mga pampublikong sasakyan na tanggapin ang mga barya at papel o polymer na pera kahit ito ay nakatupi man.
Ayon sa LTFRB, maituturing pa rin itong legal na pambayad bilang pamasahe ang mga nasabing pera.
Maaaring patawan ng kaukulang parusa batay sa umiiral na polisiya ng LTFRB ang sinumang tumangging tanggapin ang mga nakatuping polymer banknote at centavo coin bilang pamasahe.
Kaugnay nito, binigyang-diin naman ni LTFRB Chairperson, Atty. Teofilo Guadiz III na ipagbigay-alam ng publiko sa ahensya kung hindi tinanggap ang kanilang ibinayad na polymer banknote o centavo coin bilang pamasahe. | ulat ni Diane Lear