Inatasan na ni Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II ang lahat ng regional directors at mga district head na ipatupad ang extension sa validity ng Driver’s License.
Kasunod ng unang anunsyo ng LTO na maari pa ring magamit ng mga motorista ang expired Driver’s License sa loob ng isang taon o hanggang April 2, 2024 habang ang produksyon ng Driver’s License cards ay naka-hold pansamantala.
Sa inilabas nitong memorandum, pinatitiyak ni Mendoza sa mga LTO personnel na ang mga iisyung system generated Driver’s License official receipt ay may markang “Valid as Temporary Driver’s License Until Plastic Card is Released,” kung saan nakadetalye ang pangalan ng issuing office, contact personnel/cellphone number/email address; pangalan at pirma ng releasing officer; at screenshot ng Driver’s License card (front and back) na nakaimprenta sa likod ng official receipt.
Kaugnay nito, sinabi ni Mendoza na magiging valid pa ang mga luma o expired Driver’s License card hanggat walang naire-release na bagong plastic card.
Sa ngayon, nagtutulungan naman na aniya ang Department of Transportation (DOTr) at LTO para matugunan ang backlog sa Driver’s License cards. | ulat ni Merry Ann Bastasa