Paiigtingin pa ng Land Transportation Office (LTO) ang pakikipagtulungan nito sa mga ahensya ng pamahalaan sa kampanya kontra sa pagpupuslit ng mga sasakyan sa bansa.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II, kasama sa hakbang nila ang pagpapalakas sa ugnayan sa Bureau of Customs (BOC) na siyang nangunguna sa laban kontra smuggling.
Giit nito, pakikilusin nito ang regional directors at district heads upang masiguro na walang puslit na sasakyan ang mairerehistro sa lahat ng opisina ng LTO sa buong bansa.
“The LTO will provide all the necessary assistance to the BOC in ensuring that all imported motor vehicles are properly documented,”
Kaugnay nito, nanawagan din si Mendoza sa publiko na iulat ang anumang impormasyon na makatutulong upang masawata ang pagpasok ng mga puslit na sasakyan sa bansa.
“Kung kayo ay may alam tungkol sa mga smuggled na sasakyan, ipagbigay-alam ninyo agad sa mga awtoridad upang aming maaksyunan agad,” ani Mendoza. | ulat ni Merry Ann Bastasa