Mahigit dalawampung beach resorts at iba pang establisyimento sa bayan ng Santa Ana, Cagayan ang pinaaalis ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region 2 dahil sa illegal occupancy at sa kawalan ng permit.
Pinadalhan ng ahensiya ng notice to vacate and self-demolish ang mga establisyimentong matatagpuan sa forest land at coastal area ng Sitio Nangaramoan, Barangay San Vicente at ng Barangay Patunungan, dahil base sa Section 78 ng Presidential Decree No. 705 o ng Revised Forestry Code of the Philippines, ipinagbabawal ang occupation o pagtira sa forest land nang walang authority of a license agreement, lease o permit.
Maliban dito, isa pang beach resort sa Sitio Dalupang, Brgy. San Vicente ang naisyuhan ng kaparehong paglabag, kabilang na ang ‘notice of breach’ dahil sa bigong pagtupad sa terms and conditions ng Forest Land Use Agreement for Tourism na ibinibigay sa mga may-ari.
Paliwanag ni Provincial ENR Officer Enrique Pasion, na siyang nanguna sa composite team sa pag-iisyu ng notice, nagpatayo ang mga ito ng kongkretong istruktura sa nasasakupan ng forest land, limestones, maging sa 40-meter legal easement areas na maituturing na no-build zones.
Natukoy pang sa pagpapatuloy ng operasyon ng mga establisimyentong ito ay may banta ng pagkakaroon ng landslide, tsunami, at sinkholes sa mga ito.
Nabatid na ang bigong pagtugon sa loob ng 10 hanggang 15 araw ng mga may-ari sa isinasaad ng natanggap na notice ay mag-uudyok sa DENR para magsampa ng kaso laban sa mga business owner.
Ang composite team ay binubuo ng mga opisyal at kinatawan mula sa legal, enforcement, at surveys and mapping divisions ng DENR, PENRO Cagayan at CENRO Aparri, kasama ang MGB at EMB.
Samantala, sinabi ni Regional Executive Director Gwendolyn Bambalan na maliban sa mga naisyuhan ng notice of violation sa Santa Ana ay maisasailalim din sa evaluation ang lahat ng establisimyento sa iba pang coastal areas sa lambak-Cagayan. | ulat ni April Racho | RP1 Tuguegarao