Umabot sa P1,245,000 ang kabuuang halaga ng ipinamamahaging rice subsidy ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office V, para sa 83 micro rice retailers sa lalawigan ng Masbate na apektado ng ipinatupad na Executive Order no. 39 ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas kay Social Marketing Officer Ram Joseph Zaragoza ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng DSWD Bicol, ang mga rice retailer beneficiaries ay mula sa 11 munisipalidad sa lalawigan.
Kabilang dito ang Masbate City na may 11 rice retailers; tig-10 rice retailers naman mula sa Placer, Aroroy at San Jacinto; 9 mula sa Balud; 7 sa bayan ng Milagros; tig-6 na rice retailers sa Cataingan at San Pascual; tig-5 rice retailers mula sa Dimasalang at Monreal; habang 4 naman sa bayan ng Esperanza.
Sa ngayon, ay 62 mula sa 83 rice retailers ang naitala ng SLP Masbate Provincial Operation Office ng DSWD V na nabigyan ng P15,000 rice subsidy.
Anila, ang mga hindi nakarating sa naka-schedule na payout ngayong araw ay inabisuhan nilang tumungo sa kanilang tanggapan upang doon i-claim ang nasabing ayuda.
Samantala, naging katuwang ng DSWD Bicol ang provincial offices ng Department of Industry (DTI) at Department of Agriculture (DA) sa pagtukoy ng mga eligible beneficiaries para sa nasabing rice subsidy. | Jann Tatad | RP Virac
📷 DSWD-SLP Masbate