Aminado ang Makabayan bloc solons na wala silang pruweba sa hindi tamang paggamit ng Office of the Vice President sa confidential fund nito.
Sa isang pulong balitaan, natanong ang mga kongresista kung mayroon silang sapat na katibayan na winaldas nga ng OVP ang confidential fund nito.
Sagot ni Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas, wala silang ebidensya sa ngayon.
Ngunit kaduda-duda kasi aniya kung paanong nagamit ang P125 million na pondo mula December 13 hanggang 31 o sa loob lamang ng 19 na araw.
Kaya nga aniya nila nais pagpaliwanagin ang tanggapan ng bise presidente ukol dito.
“We have no proof right now, pero may mga questions tayo. Kaya nga gusto nating magtanong eh. Kaya gusto nating mag-ungkat kung ano talaga yung nangyayari dito. Ang point lang nito, the other way around natin tanungin: Bakit kailangang i-confidential kung hindi naman? Kung pwede namang auditable, bakit hindi gawin yun? Siguro kung mapapa-public scrutinize natin to, pupwede nating malaman kung saan talaga napunta eh, we can ask,” ani Brosas.
“Yung sinasabi nating pruweba, dahil nga ito’y confidential ano, at hindi natin mai-scrutinize, hindi alam din ng ating kababayan itong paggamit ng confidential fund kaya ayaw nga natin ito,” hiwalay na tugon ni ACT Teachers party-list Rep. France Castro.
Ang confidential fund, pati ang intelligence fund, ay hindi dumadaan sa kapareho o regular na proseso ng auditing hindi tulad ng ibang mga pondo.
At dahil bilang ito ay confidential, hindi naisasapubliko ang auditing o kung saan ito ginamit. | ulat ni Kathleen Jean Forbes