Siniguro ni Malabon Mayor Jeannie Sandoval na nakahanda ang pamahalaang lungsod na alalayan ang limang eskwelahang kasama sa pilot testing ng Matatag Curriculum ng Department of Education.
Kabilang dito ang: Dampalit Integrated School, Santiago Syjuco Memorial School, Muzon Elementary School, Tinajeros National High School, at ang Santiago Syjuco Memorial Integrated Secondary School sa Ibaba, Malabon.
Sa pagbisita ng alkalde sa unang araw ng pilot run sa Tinajeros National High School, sinabi nitong nakaka-proud ngunit hamon din na dito sa Malabon unang ipatutupad ang adjusted curriculum.
Kaya naman, handa aniyang maglaan ng anumang suporta gaya ng pondo ang LGU para matiyak na matutugunan ang kakailanganing resourced ng mga eskwelahan sa adjusted curriculum.
Matapos din aniya ng unang linggo ng pilot run ay muli itong makikipagpulong sa pamunuan ng limang eskwelahan para alamin kung ano pang mga suporta ang maaaring ilaan ng LGU.
Kaugnay nito, naniniwala naman ang alkalde na maganda ang hangarin ng Matatag Curriculum upang mas maging matibay ang pundasyon ng pag-aaral ng mga kabataan.
Nanawagan din ito ng suporta sa mga magulang ng mga estudyanteng sumasalang sa pilot run ng bagong K-to-10 curriculum. | ulat ni Merry Ann Bastasa