Daan-daang mga tauhan ng Malabon City Hall at volunteers ang nagtulungan upang linisin at tanggalin ang mga basura sa CAMANAVA Megadike na matatagpuan sa Brgy. Dampalit.
Ito ay bilang pakikiisa sa International Coastal Clean-up (ICC) na isinasagawa tuwing buwan ng Setyembre.
Alas-6 pa lang ng umaga ay dumagsa na sa megadike ang volunteers na kinabibilangan ng Malabon City Hall employees, mga kinatawan mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), Metro Manila Development Authority (MMDA), Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Bureau of Fire Protection (BFP), at mga estudyante ng City of Malabon University.
Kanya-kanyang bitbit ang mga ito ng panlinis tulad ng walis, dustpan, gloves, at trashbag upang makilahok sa cleanup drive.
Kasunod nito, pinangunahan naman ni Malabon Mayor Jeannie Sandoval at Malabon Vice Mayor Ninong dela Cruz ang pagtatanim ng mga bakawan sa naturang megadike na sakop ng Batasan River.
Aabot sa 300 mangrove ang itatanim dito ngayong araw upang makatulong na mapigilan ang pagbaha sa lungsod.
Ang aktibidad ay inisyatibo rin ng pamahalaang lungsod bilang regalo kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magdidiwang ng kanyang kaarawan bukas, September 13. | ulat ni Merry Ann Bastasa