Inamin ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan na dahil lumiliit ang kanilang budget para sa national road at maintenance kaya bigo silang magsagawa ng regular routine maintenance sa mga kalsada.
Ito ang sagot ni Bonoan sa pagkwestyon ni 1-rider Partylist Rep. Bonifaco Bosita sa mga potholes na nagkalat sa mga kalsada na maaring maging sanhi ng aksidente particular sa mga motorcycle riders.
Paliwanag ng kalihim, sa P14 billion na proposed budget nila para sa road maintenance P1.86 billion lamang ang inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM).
Diin ni Sec. Bonoan, maski walang potholes ang mga kalsada ay dapat regular ang routine maintenance upang maiwasan ang uka-ukang daan at mapigilan ang deterioration ng mga kalsada.
Lalo na ngayon na tuloy-tuloy ang pag-uulan mas kinakailangan ‘on a daily basis’ na ang monitoring ng DPWH sa mga kalsada. | ulat ni Melany Reyes