Plano ni House Speaker Martin Romualdez na makipagdayalogo sa mga manufacturer ng canned goods at basic food, kasama ang supermarket association.
Bunsod ito ng nagbabadyang pagtataas sa presyo ng kanilang produkto dahil pa rin sa tuloy-tuloy na oil price hike.
Aniya, susubukan nilang kumbinsihin ang mga ito na ipagpaliban na lang muna ang planong taas-presyo sa kanilang produkto hanggang sa matapos ang Kapaskuhan dahil sa mabigat sa bulsa ng mga Pilipino ang sabay-sabay na pagtaas ng mga bilihin.
“Nauunawaan naman namin na maging sila ay apektado. But we will appeal to their sense of compassion and ask them if they can find a way to manage until Christmas,” saad ng House Speaker.
Ngayong araw ay nakatakdang pulungin ng liderato ng Kamara ang oil companies at ang Department of Energy upang hanapan ng solusyon ang taas-presyo sa produktong petrolyo.
Pagtiyak pa ng House leader na ginagawa ng pamahalaan ang lahat upang maibsan ang sitwasyon.
“That’s why various agencies are ready to provide assistance because the government also feels the people’s predicaments,” dagdag ni Romualdez. | ulat ni Kathleen Jean Forbes