Nakasunod sa itinakdang price ceiling sa bigas ang karamihan ng mga palengke sa Metro Manila sa unang araw ng pagpapatupad ng EO 39.
Sa monitoring ng Department of Agriculture (DA) Bantay Presyo nitong Martes, may walong palengke ang nagtinda ng ₱45 kada kilo ng well-milled rice na pasok sa EO 39.
Kabilang dito ang Guadalupe Public Market sa Makati, San Andres Market, Quinta Market, at Pritil Market sa Maynila, kasama rin ang Marikina Public Market, Pamilihang Lungsod ng Muntinlupa, Pasig City Mega Market, at Muñoz Market sa Quezon City.
Samantala, may ilan namang palengke ay nagbenta sa halagang ₱48 ang kada kilo.
Una nang nag-ikot kahapon sa ilang pamilihan gaya ng Agora Market at Mega Q-Mart ang mga opisyal ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Trade and Industry (DTI), at DA para i-monitor ang unang araw ng implementasyon ng price cap sa bigas.
Sa panig ng DA, tiniyak nitong inihahanda na ang assistance para sa mga maapektuhang small rice retailers.
Kumilos na rin ang DA katuwang ang DTI para sa pangangalap ng listahan ng mga apektadong rice traders at retailers na bibigyang tulong ng pamahalaan.
Dagdag pa ng DA, mas paiigtingin din nito ang pag-iinspeksyon sa mga warehouse laban sa
hoarding at illegal rice imports. | ulat ni Merry Ann Bastasa