Nais ni Senador Sherwin Gatchalian ng mas mabigat na parusa laban sa mga indibidwal na nagbebenta ng mga rehistradong Subscriber Identity Modules (SIM) na kalaunan ay ginagamit sa iba’t ibang aktibidad sa cybercrime.
Ang panawagan ng senador ay kasunod ng isiniwalat ni National Bureau of Investigation (NBI) Cybercrime Division Chief Jeremy Lotoc na lantaran na ibinebenta ang mga rehistradong SIM sa iba’t ibang social media platforms.
Bukod dito, ibinunyag din ni Lotoc na sinubukan nilang magparehistro ng SIM gamit ang larawan ng isang nakangiting unggoy at naging matagumpay ito.
Nagpapakita aniya ito na pwedeng malusutan ng mga kawatan ang bagong batas na nag-uutos sa pagpaparehistro ng SIM upang ma-verify ang pagkakakilanlan ng may-ari.
Sinabi ni Gatchalian na sinasamantala ng mga kriminal ang pagbebenta ng mga rehistradong SIM at nakaipon ang mga ito ng libu-libong SIM na kalaunan ay ginagamit sa iba’t ibang investment, cryptocurrency, at love scam.
Kaya naman kailangan na aniyang taasan at gawing mas mabigat na ang mga parusa sa mga gumagawa ng ganito.
Dinagdag rin ng mambabatas na ang mga telco provider ay dapat ding maglagay ng epektibong post-validation mechanism para matukoy ang katotohanan ng mga detalye ng isang SIM user. | ulat ni Nimfa AsuncionMas mahigpit na parusa kontra sa pagbebenta ng mga rehistradong SIM, isinusulong ni Sen. Sherwin Gatchalian