Binigyang diin ni Senador Sherwin Gatchalian ang pangangailangan na magkaroon ng mas malawak na batas na sasaklaw sa iba’t ibang aspeto ng industriya ng halal sa bansa.
Ayon kay Gatchalian, ang batas na bubuuin ay dapat magbigay daan sa mga lokal na negosyate na makapasok sa pandaigdigang merkado ng halal at maaaring magpalakas sa mga maliliit na negosyo sa bansa.
Kailangan aniyang mabigyan ng katiyakan na ang mga lokal na produktong halal ay sumusunod sa dietary requirements at Islamic lifestyle ng mga Muslim.
Dinagdag rin ng senador na ang batas na ito ay proprotekta din sa mga mamimili mula sa pagbili ng mga pekeng produktong halal.
Sa ngayon, ang sertipikasyon ng mga halal products ay saklaw ng RA 10817 o ang Philippine Halal Export Development and Promotion program act.
Sa kabila nito, sinabi ng senador na ang batas ay walang parusa laban sa mga negosyo na nagbebenta ng mga pekeng halal products.
Giniit ng mambabatas na dapat tugunan ang mga butas sa batas para ganap na mapakinabangan ang potensyal ng halal industry sa Pilipinas.
Habang nakabinbin pa ang pagbuo ng batas na magsasaayos ng halal industry, sinabi ni gatchalian na kailangang maging proactive ng pribadong sektor o mga lokal na kumpanya sa pagsunod ng mga requirement ng industriya ng halal.| ulat ni Nimfa Asuncion