Nasa 289 na mga mambabatas ang bumoto pabor sa pagpapatibay ng House Bill 9284 o Anti Agri-Fishery Commodities and Tobacco Economic Sabotage Act of 2023.
Palalakasin nito ang kasalukuyang RA 10845 o Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016 at pabibigatin ang parusa sa mga masasangkot sa large-scale smuggling, cartelizing, hoarding, profiteering, at iba pang uri ng manipulasyon ng produktong agrikultural kasama ang isda at tabako.
Sa panukala ang mga aktong ito ay ituturing nang economic sabotage na may parusang habambuhay na pagkakakulong.
Papatawan din sila ng multa na anim na beses na mas mataas kaysa sa fair market value ng ipinuslit o itinagong produkto.
Isang special prosecution team ang pinabubuo sa Department of Justice (DOJ) para matutukan ang pagsasampa ng kaso tungkol sa economic sabotage.
Dahil naman sa pagkakapasa na ito sa bagong anti-agricultural smuggling ay natapos na ng Kamara ang lahat ng 20 LEDAC priority measures ng Marcos Jr. administration. | ulat Kathleen Jean Forbes