Isang panukalang batas ang inihain ni KABAYAN Party-list Representative Ron Salo upang lalo pang mapalakas ang Magna Carta of Public Health Workers.
Sa ilalim ng House Bill 9127, aamyendahan ang kasalukuyang batas na tatlong dekada na mula nang pagtibayin upang mabigyan ng mas malaking benepisyo ang mga public health worker.
“The Magna Carta of Public Health Workers was a crucial milestone in recognizing the vital role our health workers play in our society. However, the passage of more than three decades necessitates an update to reflect the changing times and to ensure that our public health workers are justly compensated for their tireless efforts,” saad ni Salo.
Nakapaloob sa panukala ang pagbibigay ng 25 percent na hazard allowance across the board, anuman ang salary grade ng manggagawa.
Sa ngayon kasi, tanging ang mga public health worker na tumatanggap ng mas mababa sa Salary Grade 20 ang nabibigyan ng 25-percent na hazard pay habang ang mga mas mataas ay 5-percent lang.
Nais din ng kongresista na itaas hanggang ₱500 ang subsistence allowance, samantalang ang laundry allowance ay gagawing ₱1,000 kada buwan mula sa kasalukuyang ₱125 lang.
Punto ni Salo, dahil sa COVID-19 ay mas lalong nakita ang malaking halaga ng mga public health worker at napapanahon, aniya, na tapatan ng mas maayos na benepisyo ang kanilang pagsasakripisyo upang sa gayon ay mahikayat din silang manatili na lamang dito sa bansa.
“Enhancing the benefits of our public health workers will encourage them to stay and work in the Philippines, allowing them to spend more time with their loved ones while receiving a dignified compensation,” dagdag ng mambabatas. | ulat ni Kathleen Jean Forbes