Kasabay ng nararanasang pagbaha sa ilang mga barangay sa bayan ng Lingayen, Pangasinan, tuloy-tuloy ang mga ginagawang hakbang ng mga health officials upang matiyak ang kaligtasan at mapangalagaan ang kalusugan ng mga residente.
Sa katunayan, ang mga kawani ng rural health unit (RHU) II at III ng nabanggit na bayan ay nagsagawa ng pag-iikot sa mga sitio o bahagi ng mga binabahang barangay upang maghatid ng mga serbisyong medikal sa mga apektadong residente.
Kabilang dito ang libreng konsultasyon nang sa ganoon ay mabigyan sila ng tamang impormasyon tungkol sa kanilang mga iniindang karamdaman o sakit at malaman kung ano ang tamang gamot na dapat nilang inumin upang tuluyan silang gumaling.
Namamahagi din ang mga health officials mula sa mga nabanggit na Rural Health Units ng mga gamot para sa prophylaxis ng leptospirosis nang maiwasan na makapagtala ang bayan ng Lingayen ng maraming kaso ng naturang sakit.
Kasama naman sa mga barangay na natapos nang mapuntahan ng mga kinauukulan para sa nasabing mga programang pangkalusugan ang Rosario, Lasip, Tumbar, at Dulag na pawang tinaguriang “catchment barangays” sa bayan ng Lingayen.
Ang mga ito ang madalas na makaranas ng mga pagbaha sa nabanggit na bayan. | via Ruel L. de Guzman | RP1 Dagupan
📷 Lingayen – RHU III/Lingayen RHU 2