Mga ama na hindi nagbibigay ng sustento sa mga anak, pinapapatawan ng mas mabigat na parusa

Facebook
Twitter
LinkedIn

Itinutulak sa Kamara ang pagpapanagot sa mga ama na hindi nagbibigay ng sustento sa kanilang mga anak.

Sa ilalim ng House Bill 8987 na inihain nina ng ACT-CIS partylist Reps. Erwin Tulfo, Jocelyn Tulfo, at Edvic Yap; Benguet Cong. Eric Yap at Quezon City 2nd District Rep. Ralph Tulfo pinatitiyak sa mga tatay na bigyan ng paternal child support ang kanilang anak na wala sa kanilang pangangalaga.

“Ang gusto natin dito ay protektahan ang kinabukasan ng mga bata. Dapat panagutan ng mga magulang lalo na ng mga tatay ang kapakanan ng kanilang mga anak,” paliwanag ng mga may-akda ng panukala

10 percent ng sweldo ng tatay ang ibibigay nitong child support na hindi dapat bababa sa P6,000 kada buwan o P200 kada araw.

Ngunit maaari pa itong madagdagan kung magsasampa ng kaso nang nanay sa korte at magkaroon ito ng desisyon.

“At least ten percent ng salary nung tatay, pero kung magsasampa ng kaso sa korte ang nanay ng bata, depende sa korte kung ano discretion nila based sa kakayahan ng Tatay at depende rin sa dami ng dami ng anak,” sabi ni Tulfo.

Sakaling maisabatas ang mga tatay na sadyang hindi magbibigay ng suporta ay mahaharap sa 6 hanggang 12 taong pagkakakulong at multa na P100,000 hanggang P300,000

“Dapat managot ang mga tatay na magiging pabaya at hindi magbibigay ng suporta sa kanilang mga anak. Ang kanilang anak ay kanilang tungkulin kaya dapat na masiguro na maayos ang pagpapalaki sa mga bata para sa kanilang kinabukasan,” dagdag ni Tulfo

Punto ng mambabatas bagamat itinuturing nang krimen ng economic abuse ang hindi pagbibigay ng sustento sa ilalim ng Republic Act 9262 o Anti -Violation Against Women and Children (Anti-VAWC) Act, nangangailangan pa rin anila ng batas na magoobliga sa pagkakaroon ng paternal child support.| ulat ni Kathleen Jean Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us