Nakatakdang maglabas ang Civil Service Commission (CSC) ng isang resolusyon na makatutulong sa mga contract of service (COS) o job order employees sa gobyerno.
Sa interpelasyon ni OFW Party-list Representative Marissa “Del Mar” Magsino sa panukalang 2024 budget ng CSC, natanong nito kung ano ang mga intervention ng ahensya para ma-regular ang mga COS at job order employee ng pamahalaan.
Ayon kay Appropriations Vice-Chair Arnie Fuentebella, mare-regular lang ang isang COS o job order kung papasa sila sa Civil Service Exam.
Ngunit plano aniya ng CSC na bigyan ng automatic 10 points sa Civil Service Exam ang mga COS at job order na 10 taon o higit pa na nagserserbisyo sa gobyerno.
Inaasahan aniya na ilalabas ang kautusan sa katapusan ng taon.
Nilinaw din ni Fuentebella na wala sa kapangyarihan ng CSC na punan ang nasa 170,800 na plantilla positions sa pamahalaan.
Ngunit mayroon aniyang ilalabas na kautusan ang Department of Budget and Management na kung ang isang posisyon ay hindi pa rin mapupunan sa loob ng limang taon ay ia-abolish o bubuwagin na ito. | ulat ni Kathleen Jean Forbes