Hinikayat ng Department of Education o DepEd ang mga mag-aaral na gawing makabuluhan ang pagdiriwang ng National Family Week o ang Pambansang Linggo ng Pamilyang Pilipino.
Ayon sa Kagawaran, maraming aktibidad ang maaaring gawin ng mga kabataan na layuning patatagin pa ang kanilang pamilya.
Naniniwala kasi ang DepEd na ang mga aktibidad ay isa sa mga haligi ng pagiging Pilipino.
Ilan sa mga iminungkahi ng DepEd sa mga mag-aaral ay ang pagtulong kay Tatay sa pagkukumpuni ng mga sira sa bahay, pagsama kay Nanay sa pamamalengke gayundin ang pagsama kina Lolo at Lola sa panonood ng telebisyon.
Pinayuhan din ng Kagawaran ang mga kabataang mag-aaral na sumama sa pamilya sa pamamasyal o di kaya nama’y sa pagsisimba.
Nauna nang kinilala ng Malacañang ang kahalagahan ng National Family Week kung saan, hanggang alas-3 lamang ang pasok sa mga tanggapan ng pamahalaan upang makapiling ang pamilya. | ulat ni Jaymark Dagala