Nai-turnover na ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang mga bagong imprentang Philippine Identification Card (PhilIDs) na kapalit ng mga nasunog mula sa Manila Central Post Office noong Mayo.
Ayon sa PSA, aabot sa 7,352 PhilIDs ang ipinadala ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), na siyang printing partner ng PSA sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Pasay City.
Kaugnay nito, tiniyak ni PSA Undersecretary at National Statistician Claire Dennis Mapa na walang babayaran ang may-ari ng mga naapektuhang PhilIDs at matatanggap pa rin nila ang kanilang ID sa address na nakalagay sa PhilSys registration.
Dagdag pa nito na ang mga naapektuhan lamang na PhilIDs ay mga nakarehistrong residente ng Maynila at hindi kasama ang ibang ID na nakatago sa CMEC.
As of August 4, 2023, aabot na sa 43,382,725 PhilIDs ang nai-dispatch na ng BSP kung saan 36,472,753 ang nai-deliver na rin ng PHLPost. | ulat ni Merry Ann Bastasa