Naghain ng panukala si Davao City Rep. Paolo Duterte ng panukala para protektahan ang mga magsasaka laban sa mga mapang-abusong lender.
Salig sa House Bill 9094, magtatalaga ng isang katanggap-tanggap na interest rate sa utang ng mga magsasaka at patawan ng parusa ang mga lalabag dito.
Ang interes ng utang ng magsasaka na may sakahan na hindi lalagpas sa pitong ektarya ay hindi dapat lumagpas sa anim na porsyento kada taon.
Ang mga lalabag ay papatawan ng isang taong pagkakakulong at/o P100,000 multa. Kung opisyal o empleyado ng gobyerno, ang parusa ay doble.
P500,000 naman ang multa at maaaring makulong ang mga opisyal nito ng anim na buwan hanggang isang taon kung kumpanya ang lalabag.
Punto ng mambabatas sa paghahain ng panukala, na ang kawalan ng access sa pormal na credit facility at pagsasamantala ng mga loan shark ay nakakadagdag sa mga nagpapahirap sa ating mga magsasaka.
“As a result, the country’s farmers are faced with unabated losses and financial burden which results in their increased financial vulnerability. It left them with no other choice but to obtain more and more credit from loan sharks in order to secure short term relief with the hopes of mitigating their losses from the effects of devastating calamities, disrupted economies, and exorbitant farming capital,” sabi ni Duterte. | ulat ni Kathleen Jean Forbes