Mga mambabatas, itinutulak ng dagdag pondo para sa intel fund ng Philippine Coast Guard

Facebook
Twitter
LinkedIn

Itinutulak ng ilang kongresista na madagdagan ang pondo ng Philippine Coast Guard (PCG) sa susunod na taon, partikular sa kanilang intelligence fund.

Sa budget briefing ng Department of Transportation (DOTr) na tumagal ng higit 13 oras, natanong ni Antipolo Representative Romeo Acop Jr. si PCG Commandant Artemio Abu, kung magkano ang kanilang pondo para sa intel fund lalo at bilang tanod-bayan sila ang naatasang magbantay sa ating mga katubigan—lalo na sa West Philippine Sea.

Ayon kay Abu mula 2010, nananatili lang sa ₱10-million ang kanilang intel fund.

Humingi aniya sila ng ₱144-million para maipatupad ang atas sa kanila ng Pangulo na bantayan ang baybayin ng bansa, ngunit hindi napagbigyan.

Bunsod nito, inihirit ni Acop na bawasan ang pondo ng Office of the Secretary at sa halip ay idagdag ito para sa intel ng PCG.

Ayon naman kay Cagayan de Oro Representative Rufus Rodriguez, ang ₱10-milyong pisong pondo para sa ahensya na nagbabantay sa ating teritoryo at nakakaranas ng panggigipit ng China ay dapat paglaanan ng sapat na pondo.

Kaya hiling nito sa House Appropriations Committee na madagdagan ang budget ng PCG ng ₱100-million para sa kanilang intelligence fund.

Kabuuang ₱24-billion ang panukalang pondo ng PCG sa susunod na taon. | ulat ni Kathleen Jean Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us